Natagalan, may sampung taon kong pinagtatagpi-tagpi sa ulo ko ang iba't ibang kuwento, bago ko naaninag at naintindihan kung paano nangyari ang EDSA at napatalsik ng taong-bayan ang diktador nang walang patayan. Hindi ko masasabing may pormal na sabwatang pagtakpan ang istorya ng EDSA, pero masasabi kong naging mailap at mapaglihim ang rebeldeng militar. Limang taon ang nakalipas bago nagpa-interview si Ramos tungkol sa EDSA, at piling-pilî ang tinalakay niyang mga aspekto ng rebolusyon. Sina Enrile at Honasan ay hindi pa itinutuwid ang mga baluktot nilang kuwento hanggang ngayon; abangan na lang daw ang isusulat nilang libro at marami silang alam tungkol sa EDSA na walang ibang may alam. Marahil nga. Gayunpaman, ang istorya ng EDSA ay hindi tulad ng istorya nina Bonifacio at Aguinaldo noong 1897 na iilan ang nakasaksi, panay pa kakampi ni Aguinaldo, kaya hindi malinaw kung ano talaga ang nangyari. Sa kaso ng EDSA, napakaraming nakasaksi sa totoong mga naganap noong apat na araw, unang-una na ang media at ang taong-bayan, at hindi kailangang maging manghuhula to read between the lines. Kahit ano pa ang inililihim ng rebeldeng militar (o ni Cory o ng Cardinal), natitiyak kong sidelights na lang ang mga iyon at hindi na nila mababago ang balangkas ng istorya ng People Power.

Sana Maulit Muli . . . Ang Boykot. 


Ang nakapagtataka sa EDSA: kahit anong pambobola at paglilihim nina Enrile at Ramos, People Power pa rin ang nangibabaw at nasunod. Paano nangyari?

Importanteng isaisip natin na noong nag-aklas sina Enrile at Ramos, pitong araw nang nag-aaklas ang mga Coryista. Ibang klaseng pag-aaklas nga lamang ­ hindi armadong pakikibaka kundi simpleng pagsuway sa Awtoridad at di-pagtangkilik sa mga produkto at serbisyo ng crony economy. Noong boykot pa lang, kung tutuusin, nagsimula na ang rebolusyon na nauwi at natapos sa EDSA. Tandang-tanda ko pa ang kakaibang sigla at tensiyon ng panahong iyon. High na high at sakay na sakay sa kampanyang boykot ang sampung milyong Pilipino na bumoto kay Cory ­ binitawan ang nakasanayan nilang peryodiko at lumipat sa mga diyaryo ng alternative press, tiniis ang paboritong beer at gin at nag-trip sa whiskey at lambanog, inisnab ang paboritong softdrinks at dairy products at nawiwili na sa buko juice, dirty ice cream, at kesong puti. Naisip ko noon na tuwang-tuwa siguro ang mga nasyonalista 'pagkat sa isang iglap, naibaling ng madlang mamimili ang tangkilik nila sa mga produkto ng maliliit na negosyong Pinoy. Higit pa, nagustuhan nila ang natikman at nalanghap na pagbabago. Namulat sila sa katotohanang okey din pala ang lokal at puwede nga palang magbago ng ugali. Sa kasawiang palad, naudlot ang rebolusyong ito at natabunan ng yugtong EDSA. Nag-alsa kasi sina Enrile at Ramos (1) para matigil ang boykot at maibsan ang economic crisis ng mga crony; at (2) para maka-eksena sila at makapagprisinta sa publiko ng alternatibo kay Cory. Natupad ang una, nadiskaril ang boykot, ngunit sa kababaluktot nina Enrile at Ramos ng katotohanan, ang ikalawa ay hindi naipatalastas nang malinaw. Nasa ibang wavelength kasi noon ang mga tao na siyempre ay labis na na-excite sa balitang pag-aalsa, nangangahulugan kasi na nagwawatak na ang militar ni Marcos. At kung masusuyo nila ang rebeldeng militar na sumama na sa kanila, lalong maganda para sa kilusan ni Cory. Kumbaga, tuloy ang rebolusyon, napadpad nga lang sa EDSA at nakarekrut ang mga Coryista ng hukbong militar. At hindi nagtagal, napatunayang tama ang taong-bayan: iba na ang may sariling army. Kung hindi sa mga aksiyon ng bagong AFP ni Ramos noong ikatlong araw ng EDSA, maaaring nakahirit pa si Ver at si Bongbong noong gabing iyon o kinabukasan. Sa madaling salita, hindi nabola nang todo nina Enrile at Ramos ang taong-bayan sapagka't marunong mag-isip ­ intelehenteng puwersa ­ ang People Power. Noong nagkaisa ng paninindigan at mithiin ang maraming-maraming tao, ang nabuong puwersa ay hindi lamang ubod ng tapang kundi ibang klase rin ang dunong; alam kung anong mabuting gawin para makamit ang minimithi.


Kakaiba ang puwersa ng madla: ito ang pinatunayan ng People Power. Mas maraming tao, mas makapangyarihan. Basta may napagkaisahang mithiin ­ kahit anong babaw, kahit anong lalim ­ ang maraming-maraming tao, madaling nalalampasan ang kanya-kanyang mga hinaing at pagkakaiba-iba, at nagkakaroon ng puwang para pahalagahan at ipaglaban ang pangkalahatang kapakanan. Sa kauna-unahang pagkakataon, sa EDSA, naranasan ng taong-bayan ang pakiramdam at kapangyarihan ng nagkakaisang lipunan.

Sa kapaligiran mismo ng EDSA, ibang klase ang naging ugnayan at pakikitungo ng bawat Pilipino sa isa't isa. Tila ibang mundo ang ginagalawan nila noon, kung saan lahat ay pantay-pantay, lahat ay may karapatan at may papel na ginagampanan, walang mahirap, walang mayaman, walang nagugutom, walang nandaraya, walang Kristiyano, walang Muslim, walang Kanan, walang Kaliwa. Kumbaga, nakatikim ang Pilipino ng isang mundo na dati'y sa panaginip o sa pelikula lamang nasisilip. Mundo na ubod nang saya dahil kabutihan at pagmamahalan ang naghahari. Mundo na minimithi ng bawat lahi at relihiyon, na kaya palang abutin at tamasahin sa buhay na ito, basta nangingibabaw ang pagkakaisa at handa ang taong-bayan na ipaglaban ang kapakanan ng lahat at hindi ng iilan. Mabuhay ang taong-bayan! ®
 

CONTENTS 
Panimula
Introduction
Sabado
Linggo
Lunes
Martes
Huling Hirit
Ang Pagtatakip sa Edsa
Pinaghanguan